Thursday, 14 February 2019

Isinulat ni: Renz Baldwin Vidad (Ikaw 'yung tipo...)


Ikaw ‘yung tipo…
Ito ay gawa ng piksyon. Ang mga pangalan, mga tauhan, mga lugar, at pangyayari ay produkto lamang ng aking malikot na imahinasyon.Ano mang pagkakatulad sa mga aktwal na mga tao, buhay o patay, o aktwal na mga kaganapan ay hindi sinasadya.

   Sa pagsapit palamang ng buwan ng Pebrero ay tila maraming nagugulumihan sa papalapit na araw ng mga puso. Ang araw kung saan dinidikta ng mundo na tayo'y umibig. Kaya naman sa itinakdang araw na ito ay isang maikling storya ang aking hatid, na kumakatawan sa isa sa maraming mukha ng Pag-ibig.
    Sa mga tipo ng mga taong nagmamahal, pero hindi minamahal pabalik. Sa mga tipo ng taong, sumusugal pero nasasaktan. Sa mga tipo ng taong, nagpapakatanga kahit na alam na mabibigo ... Para sa'yo 'to.
   Ikaw yung tipong ang sarap mahalin, kahit alam kong kahit kalian hindi magiging akin…


Alex's PoV,
     Ikaw 'yung tipo ko. Ikaw kasi 'yung tipong kakaiba sa lahat. Tandang tanda ko pa nga kung kailan tayo nagsimula. Ikatlong taon ko noon sa highschool nagkataon isa ka sa mga naging kaklase ko. Kilalang kilala ka sa campus dahil sa pagiging honor student mo. Magaling ka rin kasi sa iba't ibang bagay, ngunit ang paborito mo ay ang photography. 
    Bago lang ako sa section niyo, hindi ko naman akalaing sa pilot section ako babagsak noon. Kaya naman tahimik lang akong nakikinig habang nagiingay ang mga kaklase natin na halata namang dating magkakakilala na. Ikaw ang unang lumapit sa'kin para magpakilala.
   Hinding hindi ko malilimutan ang unang araw na nakita kita ng harapan. Nilahad mo sa'kin ang kamay mo at sinabi ang iyong pangalan. "Dave," Hindi ko pa nga alam ang dapat gawin kung sasabihin ko rin ba 'yung akin o iiwas ako ng tingin.Para kasi akong nasilaw sa malaking ngiti mo. Idagdag mo pa yung maamo mong mga mata na tila kumikinang.
   Tanda ko panga ng makita ko yung friend request mo sa Facebook, para akong tanga noon na nagsisigaw! Abot tenga ang ngiti ko. Crush na crush na kasi kita ng panahon na iyon. Todo talaga ako sa pang iistalk sa'yo. Lahat ng i-post mo updated ako.
   Ikaw 'yung tipo ng tao na ang galing galing sa lahat ng bagay. Hangang hanga talaga ako sa'yo lalo na ng mapili kang representative ng school natin para sa isang  photography contest, grabe naipanalo mo iyong hanggang sa national level. Pati malalaking unibersidad napataob mo!
   Hindi ko rin makakalimutan 'yong isang umaga nakasabay kitang mag-bisekleta, panay ang sulyap ko sa'yo noon, muntik na nga akong mawalan ng balanse at matumba. Nakakatuwa talagang isipin yung mga panahong napapalapit na tayo. Nung gabing nakaupo tayo noon sa isang malawak nasports ground, iyon ang unang beses mong nag kwento saakin, nagpalitan ng mga tanong na sino, ano, kailan, saan hanggang umabot sa mga bagay na walang katuturan. Noong mga panahon na naging "Kaibigan," kita.
   'Yung panahon na kinuha mo yung number ko. Alam kong walang ibig sabihin iyon sa'yo dahil may nobya ka na, pero kinikilig ako. Ang totoo nagdalawang isip pa nga ako kung ibibigay ko dahil hindi ko alam kung rereplayan ko ba o hindi kung sakali na mag text ka sa'kin.
   'Yung mga gabing madalas tayong magkita sa may tabing ilog para lang magusap ng kung ano ano. Mahilig kang bumili ng mga soda na nakalagay sa lata, dalawa para ibibigay mo sa'kin iyong isa. Kontento na'ko noon sa pagtitig lang sa'yo habang umiinom, pagmamasdan ang bawat detalye ng mukha mo.
   Hindi ko alam kung may ibig sabihin iyon sa'yo dahil may girlfriend ka na at kaibigan ko pa, kaya ayaw kong makasira sa relasyon ninyo. Minabuti ko na magsilbing kaibigan mo nalang. Sinabi ko sa sarili ko noon na ikaw yung tipo ng taong ang sarap mahalin, pero alam kong kahit kailan hindi magiging akin. 
    Ikaw rin pala 'yung tipong mukhang matibay pero madaling bumigay. Naalala mo yung gabing tumawag ka sa'kin ang sabi mo magkita tayo. Ako naman itong nagmamadaling pumunta sa dati nating tagpuan. Nakita kita noon, nakangiti ka sa'kin pero iba yung sinasabi ng mga mata mo.
   Ang sabi mo nalaman niyo na yung nanay mong nasa abroad, may iba na palang pamilya. Habang sinasabi mo iyon nakangiti ka ng pagkapait pait at pinipilit mong tumawa. Pero hindi naging sapat ang mga iyon para paniwalain mo akong hindi ka nasasaktan.
     Ilang linggo ang lumipas dumating ang gabing kinatatakutan mo, isa nanamang dagok para sa'yo. Sa lahat ng gabi ito ang pinaka hindi ko malilimutan. Hating gabi na nang tumawag ka sa'kin, halata ang basag sa baritono mong boses. Umiiyak ka, sinabi mong magkita tayo. Nagmadali ako noon na makarating sa dati nating tagpuan, sa tabing ilog. Ang sabi mo naghiwalay kayo ng girlfriend mo dahil ayaw na niya. Mahal na mahal mo yung girlfriend mo na 'yun at nakikita ko iyon sa lahat ng ginagawa mo para sakanya. 
   'Yung panahon na iyon doon kita nakitang unang beses na umiyak,  iyon ay dahil sa isang babae. Pinakinggan ko lahat ng hinaing mo kahit na paulit ulit na yung mga sinasabi mo. Doon ko sinabi sa sarili ko na mahal mo nga talaga siya. Ikaw pala 'yung tipong parang babasagin, kaya kailangang pagingatan.
    Kung wala ako sa tamang pagiisip noong mga panahong iyon malamang sinabi ko sa'yo na ako nalang iyong mahalin mo, na hinding hindi kita sasaktan. Pero mas pinili kong makibagay sa sitwasyon at manahimik nalang. Habang pinagmamasdan kitang umiiyak, parang nadudurog din yung puso ko. Tanging mga salita lang at yakap ang ginawa ko para matulungan ka.
  Noong panahong naka-moved on ka na, ang saya saya ko rin para sa'yo. Ngumingiti ka na ulit. Nakita ko na muli yung liwanag sa mga mata mo.
   Isa sa mga hindi ko malilimutang sinabi mo sa'kin, "Sa lahat ng babae, alam kong ikaw lang yung hindi mangiiwan sa'kin." Sabay dugtong mo pa ng mga salitang "Pangako?" Wala naman akong pagpipilian kaya ang sabi ko "Pangako."

   Lalo tayong naging malapit maraming bagay na ang nalalaman ko tungkol sa'yo. Nakilala ko na nga yung tatay mo eh. Para akong tanga noon dahil iniisip ko na siguro kahit na kaunti may nararamdaman ka na rin sa'kin.
   Magkasama tayo sa lahat ng bagay, sa school man o sa galaan. Hatid sundo mo rin ako pagpapasok sa eskwela. Akala nga ng nanay ko nobyo kita.
    Tingin ko ikaw 'yung tipo ng tao na malambing kahit hindi mo sadyain. Isang araw habang naandoon tayo sa dati nating tagpuan sa tabing ilog sinabi mo sa'kin na may nagugustuhan ka. Kumabog agad 'yong dib-dib ko sa kaba. Inasar asar pa kita pero sa loob loob ko kumakawala 'yung kaba ko. Kumuha ako ng lakas ng loob na itanong sa'yo kung sino, pero inilapit mo yung mukha mo sa tenga ko at marahan mong sinabi ang mga salitang "Hulaan mo," naramdaman ko ang mainit mong hininga sa tenga ko. Naramdaman ko nanaman ang bahagyang pagkabog ng dib-dib ko. 
   Dumating ang highschool graduation natin, at katulad ng inaasahan grumaduate ka with honors. Grabe todo cheer ako sa'yo habang umaakyat ka ng stage akala nga noong ibang magulang nobyo kita. Halos mabali ang nanaman leeg mo sa dami ng achievements mo at medals. 
   Inabot ng gabi ang tapos ng cermony, nagpaalam ako kila mama na mauna sila dahil nagkayayaan ang klase sa isang dinner. Pagkatapos noon inihatid mo ako pauwi. Naglakad nalang tayo dahil malapit lang naman ang bahay namin, nang bigla mo nalamang sinabi na may gusto kang sabihin sa'kin ng personal. Napapitlag nanaman ang tanga kong puso. 
   "Ano naman 'yun," tanong ko pa. 
  "Ihh, ...  Nahihiya ako," Sagot mo naman. 
  "Wow ha! May hiya ka papala," Sarkastiko kong sabi pero gusto ko nang maihi sa kaba.
   "Wag na nga muna," tsaka ka napahampas sa noo mo. "Bukas ng gabi sa ball." Hindi na kita pinilit pang magsalita.
      Nang marating natin ang gate ng bahay namin ay nagulat ako ng bigla mo akong yakapin mula sa likod, "Goodnight, kita tayo bukas," sinabi mo sa'kin naramdaman ko nanaman ang mainit mong hininga. Napatulala ako sa ginawa mo pero agad din akong humarap sa'yo para makawala sa yakap mo.Pagkatapos ay pinitik mo ang noo ko kaya natauhan ako. Narinig nalang kitang tumatawa ng malakas kasi ang sabi mo mukha akong tanga gusto nga kitang kalbuhin ng mga oras na 'yun.
   Pinagmasdan lamang kita habang naglalakad ka na palayo sa'kin. Niyakap mo ako? Pakiramdam ko sasabog ang puso ko ng mga oras na iyon. Ano ang sasabihin mo sakin bukas ng gabi? Kung ano ano ang pumasok sa isip ko, at sana tama na ang nasa isip ko. Sana sa pagkakataong ito may pag-asa na tayo.
   Grad ball, huling gabi natin sa highschool. Halos makadarapa nga ako dito sa pagkahaba habang gown na pinasuot sa'kin ni mama. Nangangati narin 'yung pagmumukha ko sa make-up. Ang sakit sakit pa ng paa ko dahil sa sa mga pesteng heels na 'to. Ayoko talaga sa mga ganto, hindi ako sanay.
   Hinanap agad kita pero hindi kita mahanap siguro wala ka pa. Hindi nanaman ako mapakali. kumuha ako ng inumin sa may punch para medyo kumalma kalma ako. Hanggang sa matanaw kita. Nakangiti ka ng abot tenga habang kumakaway kaway pa. 
"Kanina ka pa?" Salubong mo sa'kin ng nakangiti.
"Hindi naman," Peke kong pagngiti.
   Bigla mong hinawakan ang dalawa kong kamay at para bang iyon ang pinaka importanteng bagay sa mundo. Heto na, sabi ko sa isip ko. 
   " Alex..." Marahan mong pagbanggit ng pangalan ko lalong humigpit ang kapit mo sa mga kamay ko. Kasabay ng mga ito ay tumugtog ang isang mabagal na musika.
 Napangiti na ako dahil hindi ko mapigilan. Bigla kong napansin ang isang babaeng nakangiti  sa may gilid mo."You see. Well.. Kami na ni Mia." Pagkatapos ay tinanggal mo ang pagkakapit sa mga kamay ko at inakbayan ang babae sa tabi mo.
   Para akong nabingi sa mga narinig ko. Parang pakiramdam ko mali iyon. "S-si Mia?" Tanong ko. 
   "Yes Mia, you're friends with her right?" 
   Pinilit kong matawa, "Ofcourse... You and Mia, C-congrats," Pilit sinabi ng bibig ko. 

    Nagtagumpay akong itago kung gaano ako kawasak. 'Yun ang pinaka masakit na gabi ng buhay ko. Nagpaalam agad ko sainyong dalawa, sinabi ko na may emergency ako sa bahay. Dahil sobrang sakit, parang dinurog 'yung puso ko.
   Ang sakit.
     Doon ko nalaman na ikaw rin pala iyong tipong hindi madaling basahin. Pagkatapos noong gabing iyon ay hindi na naging madalas ang paguusap natin. Minsan nalang tayo magkita sa dati nating tagpuan na naging saksi ng lahat, ngunit ngayon ay hindi na santuaryo na para sa ating dalawa lamang. Dahil ngayon tatlo na tayo nila Mia. 
   Alam mo ba ang pakiramdam ng unang beses na dalhin mo si Mia sa ating tagpuan? Suot suot mo pa nga noon ang paborito mo sumbrero. Excited na excited ka habang hinihintay natin si Mia.
   Hindi maihahambing sa kahit na ano ang pakiramdam ng kung paano ko ginusto na sana mga kamay ko nalang ang hawak ng sa'yo. Sana mga mata ko nalang 'yung tinititigan ng iyo. Sana pangalan ko nalang 'yung tinitibok ng puso mo. Ako nalang sana...
      Parehas tayo ng kolehiyong pinasukan dahil ang sabi mo ayaw mong mahiwalay sa bestfriend mo. Kumuha ako ng kursong Nursing dahil gusto kong gamitin iyon bilang pre-med sa pagkuha ng medisina. Ikaw naman kumuha ka ng kurso ng engineering dahil ito ang gusto ng papa mo kahit na alam kong nasa photography talaga interes mo.
    Lumipas ang mga buwan at taon naging madalang na rin ang paguusap natin. Halos sa mga social media ko na lamang nakikita ang mga updates mo. Naging abala tayo sa kanya kanya nating buhay. Akala ko nga nakamoved on na'ko sa'yo. Akala ko lang pala.
   Isang gabi tumawag ka sa'kin, muli umiiyak ka. "Magkita tayo," Sabi mo. Ang pakiramdam ko paulit ulit nalang ang nangyayari. Dahil hindi kita matiis nakipagkita ako sa'yo sa dati nating tagpuan sa tabing ilog.
  Pagkarating na pagkarating ko roon nakita ko ang mapula at mugto mong mga mata, niyakap mo'ko. Hindi ko malilimutan ang mga salitang sinambit mo,"Pinagpalit niya ko. Ang sakit Alex, ang sakit sakit..."Bumalik ang lahat ng ala-ala sa'kin noon, sa ganitong dahilan tayo naging malapit. Iniwan kayo ng mama mo, sumunod ang dati mong nobyang si Jane at sa lahat ng iyon ako ang naging sandalan mo.
   Dapat sa pagkakataong ito wala na akong nararamdaman sa'yo. Pero hindi, hinayaan ulit kitang umiyak sa'kin. Niyakap kita ng mahigpit at sinabing ayos lang ang lahat kahit hindi. Dahil sa mga oras na iyon, alam kong ikaw 'yung tipo ng tao na kailangan ng pagmamahal.
   Siguro nga ay ganoon talaga ang mga taong nagmamahal, nagpapakatanga. Nang mga oras na iyon wala akong pakielam sa kung ano man ang pwedeng sabihin ng iba. Dahil sa mga sandaling  'yon katangahan man pero muli, ang akala ko may pagasa na ulit ang salitang tayo.
  ...  Ngunit bakit ganto mahal?
   Hindi ko alam kung nakikita mo pa ako. Hindi ko alam kung may kakayahan ka pa nga bang gawin 'yun. Mahal, narito ako sa harapan mo. Sa harapan ng maputla at malamig mong labi. Sa harapan ng iyong ataul. 
   Ang sabi nila nagpakamatay ka raw dahil sa sobrang sakit. Dahil sa pagiwan sa'yo ni Mia. 
  Gustong gusto kong sumigaw ng “Mahal kita Dave! Bakit mo ako iniwan?!” Pero alam kong wala nanaman akong karapatan. Bakit ngayon pa Dave? Bakit ngayon pa na may pag asa na ulit tayong dalawa? Siguro nga hindi talaga ako naging sapat para mahalin mo.
...
Oo nga pala, ikaw nga pala yung tipo ng tao na ang sarap mahalin... kahit na alam kong kahit kailan hindi magiging akin.